Pagbibisikleta sa Indian Himalayas

ni: N. Mercado

Noong 2019, dalawang public servant (cycloturista.blogspot.com) mula Bicol ang nag desisyon na mag bisikleta sa pinakamataas na bahagi ng mundo, ang Himalayas. Dahil ang Himalayan Range ay napaka-lawak at iba’t ibang bansa ang naka-palibot dito, masusi nilang pinag-aralan ang pinakamagandang paraan upang bagtasin ito. Napili nila ang bansang India dahil ito ang pinaka-lohikal na lugar. Madaling pagpoproseso ng electronic visa, mababang pamasahe ng eroplano, mga taong nagsasalita ng Ingles, abot-kayang pagkain at tirahan ang ilan pa sa mga dahilan kung bakit nila napili ang bansa. Ang mga susunod ay ang kanilang istorya ng paglalakbay sa Himalayas.

Nagsimula ang aming paglalakbay pagkatapos naming mag-agahan sa Central Manali, India. Ang Manali – Leh Highway ay sinusundan ng Beas River paaakyat sa mga kabundukan ng Pir Panjal. Ang rutang ito ay maikukumpara namin sa Halsema Highway ng Philippine Cordilleras, kung saan makakakita ka ng naglalakihang puno ng pino. Dahil sa mga turistang gustong makaranas ng lamig ng niyebe (pati kami) at mga tindahan (dhaba) na rin sa gilid ng kalsada, ang eksena ng masikip na trapiko papuntang Rohtangla Pass ay pangkaraniwan lamang. Pagkatapos umakyat ng 20 kilometro, huminto kami sa tabing kalsada at nagluto ng tanghalian – tsaa, kanin, itlog, at sopas. Isang grupo ng mga turistang Indian ang lumapit sa amin, nakipag-usap (in English) at nagtatanong sa amin kung saan kami nanggaling at ano ang aming mga plano. Pagkatapos makipag-usap ay binigyan nila kami ng isang bag ng maanghang na mani. Makalipas ang siyam na oras na ahon, nakarating din kami sa aming destinasyon. Tinayo namin ang aming dalang tent at kumain ng kainang nasa gilid ng kalsada.

Kinabukasan ay basang-basa ang karamihan sa aming damit dahil sa malakas na ulan noong gabi. Luma na ang ginamit naming tent, kaya di kami nagdalawang-isip na mangyayari ang pagtagas ng tubig-ulan mula sa labas. Sa kabutihang palad, ang aming inflatable sleeping pad ay medyo nakataas mula sa sahig ng tent, kaya kami ay hindi gaanong nabasa. Malamig, mahamog, mahangin, at umuulan hanggang sa Rohtang Pass at pagkatapos ng 10 kilometrong ng pag-akyat, na-encounter namin ang aming unang glacier, mga 5 metro ang kapal. Pagkatapos ng humigit-kumulang 20 switchbacks, narating namin ang Rohtangla Pass na may taas na 3,980 masl. Umaambon at napakahangin dito ngunit hindi ito naging hadlang sa daan-daang turistang naglalaro at nag-e-enjoy ng niyebe.

Nagtanghalian kami ng bread omelet at spicy instant noodles sa isang kainan (dhaba) malapit sa pass. Pagkatapos nito, biglang lumakas ang hangin. Umulan din at bumagsak uli ang temperatura. Nakasuot na lahat ang aming damit, panlamig ngunit malamig pa rin, kaya dali-dali kaming nagbisikleta pababa para makatakas sa lamig ng lugar. Ang malakas na hangin, mahinang visibility, masamang kalsada, at nagyeyelong temperatura ay nangangahulugan na mabagal ang magiging paglusong namin galing sa Rohtang Pass. Pagkatapos ng 500 metro ng elevation pababa, lumiwanag ang kalangitan, bumuti ang mga kalsada, at ito ay naging isang kaaya-ayang biyahe papuntang Sissu kung saan kami magpapalipas ng gabi para magpahinga.

Ikatlong araw, umalis kami sa guesthouse nang umaga na hindi basa kumpara sa mga nakaraang araw. Ngayon ay ang aking ika-49 na kaarawan at ang aking pinakamagandang kaarawan kailanman! Nasa Himalayas Mountain Range na kami, ang tanawin ay kakaiba sa lahat! Narating din namin ang lugar kung saan ang elevation ay humigit-kumulang 3,500 masl. Sa aking pagkakatanda, ang pinakamataas na elevation na narating namin noon ay ang Mt. Kinabalu sa 4,095 masl at 30 minuto lang kaming nanatili sa summit. Ang araw na ito ay isang malamig at may mahinang ulan pa-ahon hanggang sa Zingzing Bar.

Bago makarating sa ikalawang pass, naranasan ko ang altitude sickness. Ramdam ko ang sakit ng aking ulo at ang walang ganang pagkain. Tinulungan ako ni Kareen na mag-impake ng mga gamit at ihanda ang mga bisikleta. Isa na naman itong malamig na pagpadyak papuntang Baralachala Pass. Habang tinatahak namin ang zigzag na daan, muli kaming nagkita sa mga taga-Europang siklista na naka-salamuha namin noong unang araw sa Manali. Nang marinig ang aking mga sitwasyon, binigyan nila ako ng mga gamot at hydration salts na dala ng kanilang support vehicle. Bilang kapalit, binigyan namin sila ng maliliit na bandila ng panalangin ng Tibet. Dahil sa sitwasyon ng daan at hindi magandang pakiramdam, nagpasya ako na magpahinga sa unang makikita kong pwedeng matuluyan sa Bharatput. Nang makakita, nagpahinga at natulog lang ako magdamag habang patuloy na sinusuri ng may-ari ang aking kalagayan.

Kina-umagahan, ang drayber ng mga taga- Europa ay bumalik mula Sarchu patungong Bharatpur upang ako ay kanyang suriin tungkol sa aking kondisyon. Pinayuhan niya akong magbisikleta at magpahinga sa Sarchu (susunod na stop over) na nasa mas mababang elevation at may kampo ng Army. Sumang-ayon naman ako dahil sa aking kundisyon. Ito ay isang araw ng pahinga na sumasaklaw lamang ng 25 km at bumababa lamang ng humigit-kumulang 400 metrong taas.

Papasok na kami ngayon sa rehiyon ng Ladakh sa lalawigan ng Jammu-Kashmir. Sa boundary, nagkaroon ng mandatory passport check at binigyan ako ng pulis ng ilang tableta para sa altitude sickness. Ang aming pitstop sa Sarchu ay isang ‘dhaba’ at tent na gawa sa corrugated metal sheets. Dumating kami doon nang maaga, kaya sinamantala ni Kareen ang paglalaba hangga’t may araw habang ako ay muling nagpahinga. Pagsapit ng hapon, naramdaman ko na guminhawa na ang aking pakiramdam at nagkaroon na ng gana. Sa wakas, naging kampante na ang aking katawan sa taas ng lugar!

Ang Ladakh ay isa sa mga rehiyong may pinakamaraming populasyon sa India at ang kultura at kasaysayan nito ay malapit na nauugnay sa Tibet. Sa heograpiya, ang Ladakh ay bahagi ng Tibetan Plateau – ang pinakamataas at pinakamalaking talampas sa mundo at tinutukoy bilang “ang Bubong ng Mundo”. Karamihan sa mga may-ari ng summer tent sa kahabaan ng Manali-Leh Road ay mga nomadic Ladakhis na nagsasanay ng Tibetan Buddhism. Ang pangalang Tibetan, Ladakh, ay nangangahulugang “lupain ng matataas na daanan”. At ang susunod na pass na may taas na 5,000 masl!

Ilang kilometro mula sa mga kampo ng Debring ay ang pag-akyat sa Tanglangla. Banayad lamang ang gradient ng kasada ngunit manipis ang hangin dito. Ang kalawakan ng Morey Plains at Himalayan Mountain Range ay bumungad sa amin habang paakyat sa pinakamataas na lugar ng ruta. May mga Ladakhis na nag-aayos ng kalsada sa ganitong kataas at marami ang mga babae na malumanay na kumakanta habang sila ay nagtatrabaho. Papuri at pasasalamat sa mga tauhan ng kalsada sa pagpapanatili at paglilinis sa epic na kalsadang ito!

Pagkatapos ng anim na oras at pag-akyat ng 700 metro, narating namin ang malamig na Taglang La Pass – ang “pangalawang pinakamataas na pass sa mundo” sa 5,358 masl

Pagkatapos kumuha ng mga litrato ay nagpasya na kaming bumaba at ipagpatuloy na ang biyahe papuntang Upshi. Isang napakalamig na 61 kilometrong palusong ang naghihintay sa amin sa ekspedisyon na ito. Talagang napaka-lamig dahil na rin sa mga niyebe at sa maulap na kalangitan. Pagkakain ng tanghalian ay sinundan lang namin ang kalsada papunta sa aming susunod na tutuluyan. Nakakatuwang makakita muli ang berdeng kapaligiran, mga pananim, puno at bahay pagkatapos ng ilang araw sa lugar ng kawalan. Alas-sais pasado na nang makarating kami sa Upshi malapit sa Indus River at diretso nag-check-in sa isang medyo disenteng hotel.

Huling ahon papuntang Khardungla Pass – Pinayuhan kaming magsimula nang napakaaga at binalaan na ang huling 15 kilometro ay isang baku-bakong kalsada na may manipis na hangin na magpapabagal at magpapahirap papunta sa aming destinasyon. Nagkaroon kami ng dalawang araw na pahinga sa Leh, kaya ramdam namin na handa na kaming umakyat papuntang Khardungla. Tiwala rin kaming makakauwi kami nang maaga at hindi gagabihin sa daan. Self-supported uli, dala lamang namin ang aming damit panlamig, gamit sa ulan, at pagkain. Habang umaahon, mas lumalala ang pagkabako ng daan. Pagod, lamig, hingal at pagtulak ng bisikleta pataas ang aming naranasan sa paklalakbay na ito.

Dumating ang desperasyon nang mapagtanto namin na wala na kaming sapat na liwanag ng araw upang makabalik. Wala kaming matutuluyan sa ganitong kataas na lugar. Pagsapit ng alas singko y medya ng hapon, may 2.6 km na lang papunta sa pass, nagpasya kaming humingi ng tulong sa isang Mahindra truck drayber at sa kanyang kapatid na babae na patungong Leh. Mabait naman silang sumang-ayon sa aming nais na isakay kami papuntang Khardungala Pass. Nakiusap din kami na sumabay na din sa kanila pababa papuntang Leh upang hindi na kami abutan ng dilim sa daan. At siyempre, hindi nila kami pinabayaan.

Ang Ladakh ay isa sa pinakamagandang lugar na nabisikleta namin sa ngayon. Walang araw ang magkatulad, bagong tanawin, bagong lugar at bagong kapaligiran, at ang bawat pagbabago ay palaging may kakaibang karanasan. Sa kabila ng mga pagsubok na aming naranasan, masasabi lang namin na naging matagumpay ang aming paglalakbay papunta sa Khardungla Pass.

Leave a Reply