Paglilibot sa Qatar

ni: N. Cuarton

Marami sa ating mga kababayan ang nangingibang-bansa upang matustusan ang gastos sa pamilya at sa iba pang mga bagay. Nakakatulong din sila sa pagbalanse ng ekonomiya ng bansa. Ngunit hindi ganun kadali ang buhay abroad; maraming pagsubok ang dapat mong malagpasan at tiisin. Kaya naman tinagurian silang bagong ‘bayani’ ng ating bansa. Hindi lang dahil sa mga sakripisyo kundi dahil na rin sa tatag nilang makipagsapalaran sa ibang lugar.

Isa si Noel sa mga masisipag na indibidwal na nagtatrabaho sa ibang bansa. Siya rin ang nasa likod ng ‘bike for a cause’ website (noelcuarton.com) na tumutulong sa ating mga nakababatang kapatid sa Pilipinas simula pa noong 2016. Libangan din niya ang magbisikleta at makisalamuha sa mga nakababata nating kapatid na kapos dahil sa kahirapan. Nagtitinda siya ng T-shirt habang siya ay naglalakbay, at sa bawat T-shirt na kanyang maibebenta ay bibili siya ng school bag at gamit sa eskwela para sa isang bata. Hindi naging madali ang kanyang mga charity rides dahil na din sa oras at trabaho na kailangang tapusin, ngunit sa huli, iginigiit pa rin niya ang kanyang layunin na naging motibasyon sa kanyang misyon. Sa loob ng anim na taon hanggang ngayon, nag-e-enjoy siya sa kanyang pagtulong sa ating mga kapatid. Ang susunod ay ang kaniyang karanasan habang nililibot ang Qatar.

Maganda ang panahon sa aming unang araw ng paglilibot sa Qatar gamit ang aming mga bisikleta. Hindi naman ganoong kainit kaya nagpasya na kami na tumuloy hanggang Bu Samra (KSA border). Swerte rin namin dahil sa tailwind na nagpapadali sa aming pag-pedal papunta sa aming destinasyon. Habang kami ay naglalakbay, may mga pulis na nagtanong sa amin tungkol sa aming kalagayan at kung saan kami tutungo. Sinabi nila sa amin na kung sakaling magkaroon ng problema ay tumawag lamang sa Alfaza Police at sila ay handang tumulong. Pinayuhan din nila kami na mag-ingat sa daan dahil sa mga gulong ng trak na may tiyansang sumabog habang binabagtas ang Sawal Road.

Nagkaroon kami ng stopover sa Al Khirana at ng papaalis kami, isang aberya ang nangyari kung saan nabasag ang bearing ng trailer ng aking kasama. Nag-isip agad kami ng magandang paraan upang maikabit at muling maayos ang trailer. Awa ng Diyos, nagtagumpay kami sa pamamagitan ng pagkabit ng mga cable wire sa mga bearings at naipagpatuloy din namin ang aming paglalakbay. Makalipas ang 102 kilometro narating namin ang Bu Samra na may halong tuwa sa aming mga mukha.

Habang nagpapahinga dito sa Woqod (isang gasolinahan), isang Qatari teenager ang lumapit sa amin at kinamusta ang aming biyahe. Masaya kaming ibinahagi ang aming karanasan at mga pagsubok na aming nalagpasan sa unang araw ng aming pagbibisikleta. Dahil dito, binilhan niya kami ng inumin para sa isang matagumpay na paglalakbay. Kumain na rin kami ng aming hapunan, nagpahinga at dumiretso na sa higaan para sa susunod na araw.

Kinabukasan, nagsimula ang araw namin mga bandang alas-kwatro ng umaga. Nag-agahan kami ng noodles, itlog, at tinapay. Papunta na kami ngayon sa Dukhan, na may layo na 92 kilometro. Ang Dukhan ay isang lungsod na napapaligiran ng mga imprastraktura ng langis. Maraming magagandang tanawin ang makikita dito kagaya ng mga beach, sinaunang nayon at mga mosque.

Pagkatapos makapagpahinga, nagpatuloy kami sa pag-pedal papuntang Umm Bab (na magiging 2nd stop namin) ngunit dahil sa malakas na hangin, paakyat, at init na parang oven (mga 38 degrees Celsius), nagpasya kaming magpahinga sa tinatawag nilang lay-by. Ito ay isang lugar kung saan maaaring huminto ang mga driver sa pangunahing kalsada, kumain ng tanghalian at umidlip.

Sa oras na magising kami, nag-patrol na naman ang mga pulis at lumapit sa amin para gawin ang kanilang mga protocol (tinanong kung kailangan namin ng tulong). Sinabi namin sa kanila na kailangan namin ng malamig na tubig dahil mayroon na lang kaming 2 bote na natitira dahil sa sobrang init ng panahon. Sinabi sa amin ng pulis na may tindahan sa Umm Bab na ilang kilometro mula sa kinaroroonan namin. Nang makarating kami sa Umm Bab bandang 4:30 ng hapon (ang aming 3rd stop), nagkaroon kami ng pagkakataong mag-meryenda, nagpahinga ng kaunti, bumili ng ilang bote ng tubig at yelo, at kumuha pa ng ilang mga larawan kasama ang mga lokal.

Nagpatuloy kami sa pag-pedal hanggang sa marating namin ang Dukhan, bandang alas-siyete ng gabi. Pagkatapos ng mahirap na araw ng trabaho, napagpasyahan naming gantimpalaan ang aming sarili sa pamamagitan ng simpleng pagkain ng kanin (sino naman ang hindi mahilig sa kanin?) Pagkatapos kumain ay nag-set up kami ng aming tutulugan sa Dukhan Park, tabi ng mosque.

Boundary of Dukhan

Masarap ang tulog namin sa Dukhan Park kagabi kaya nagkaroon kami ng ganang gumising nang maaga para pumadyak sa aming ikatlong araw ng paglalakbay. Nagpasya kaming bumili ng mga sandwich at fries sa isang fast-food chain malapit sa amin para sa aming almusal, dahil nagmamadali kami at wala kaming sapat na oras para magluto. Ito ay magiging isang mahabang araw na biyahe (humigit-kumulang 140 kilometro). Pagkatapos naming kumain ay hinanda na namin ang aming mga gamit at nagsimula nang umalis. Humanap muna kami ng tindahan na bibili ng ice cubes para ilagay sa aming palamigan. Mula noong unang araw ng paglalakbay na ito, ayaw naming mawalan ng yelo ang aming cooler dahil malaking tulong ito para sa amin, lalo na sa mainit na panahon dito. Di nagtagal ay nakakita kami ng gasoline station at dali-daling nagtanong kung meron silang ice cubes. Sa kasamaang-palad, walang ice cubes sa tindahan.

Muli kaming naghanap ng mabibilhan ng ice cubes para mabawasan ang init ng aming katawan. Habang kami ay pumepedal isang lalaki ang lumapit sa amin at tinanong kung kami ba ang nagbibisikleta sa paligid ng Qatar. Nag-usap kami saglit at ito ay nalaman-laman namin na siya ay miyembro ng UFMBQ (Umbrella Organization for Filipino Mountain Biking & Cycling Enthusiasts here in Doha, State of Qatar) na isang non-profit organisation sa Qatar. Inalok niya kami na kumain, ngunit dahil natapos na namin ang aming almusal at papunta na kami sa aming susunod na destinasyon, nagpasalamat na lang kami sa kanyang imbitasyon. Matapos ang halos siyam na oras na pag-pedal, narating namin ang Al Shamal.

Ika-apat na araw, inaantok at puyat pa kami dahil dalawang oras lamang ang aming tulog. Nasa kabilang kalsada pa rin ang mga pulis at ginagawa ang kanilang trabaho. Napansin namin na kapag nagsimula kaming pumadyak ay gumagalaw din ang mga pulis at habang nila kami ay kumaway ang mga ito sa amin, siguro iyon ang paraan nila para sabihing mag-ingat kami sa biyahe.

Isa na namang mainit, mahangin, at mahalumigmig na araw. Halos maubusan kami ng tubig pagkatapos ng 20 kilometro na biyahe, swerte at mayroong Woqod station sa kabilang kalsada, huminto kami doon para bumili ng yelo at nagpalit ng damit. Naglinis din kami ng aming mga sarili dahil hindi namin ito nagawa kagabi.

Makalipas ang ilang minuto ay nagbisikleta na ulit kami. Wala kaming nakitang pahingahan papuntang Al Khor, kaya pagod na pagod kami nung makarating kami doon. Maraming mga kapwa bikers sa Al Khor na handang tumulong sa amin, ngunit hindi na namin kayang pumunta papunta sa kanilang mga bahay. Salamat sa mga siklista na aming nakasalamuha na handang tumulong anumang oras.

Alas-tres na ng hapon ng nagsimula ulit kaming pumadyak mula Al Khor hanggang Doha mga (50 kilometro). Mahirap sakyan ang kalsada dahil ito ay paakyat at kasabay pa nito ang mainit na hangin na bumubuga sa aming buong katawan. Madalas din kaming huminto upang muling mag-hydrate sa walang katapusang kalsada na nasa gitna ng disyerto. Medyo late na noong makarating kami sa Doha. Nakipagkita din kami sa aming kaibigan sa lugar at nag-alok siya ng pagkain na hindi namin tinanggihan dahil na din sa gutom na aming nararamdaman.

Gustong-gusto kong gumugol ng oras sa aking bisikleta habang nag-explore ng mga bagong lugar. Masasabi ko na ang pagbibisikleta ay isang magandang paraan upang makita ang kagandahan ng isang bansa. Mararanasan mo ang napakaraming kabaitan mula sa mga taong ngayon mo lang nakilala.

Malaki ang pinagbago ko dahil sa paglalakbay na ito. Marami akong natutunang aral at mas naunawaan pa lalo ang kultura ng lugar. Salamat sa aking kaibigan na sumama sa trip na ito. Nakapagtataka lang kung paano ang isang maikling paglalakbay ay magbubukas ng iyong mga mata sa mundo.

Leave a Reply