ni: M. Jubay Jr.
Philippine Loop o mag-bike mula Luzon hanggang Mindanao, ito marahil ang isa sa mga pangarap na gawin ng mga siklistang Pilipino. Maliit lamang ang Pilipinas, pero kung maglalakbay ka mula sa pinaka-dulong bayan ng Luzon patungong Mindanao, e siguradong aabutin ka ng siyam-siyam. Isa si Engr. Manuel, na nangarap na ikutin ang buong Pilipinas gamit ang kanyang bisikleta. Nagsimula ang kanyang pagkahilig sa bisikleta noong pandemic, dahil walang pampublikong sasakyan, napilitan siyang bumili ng bisikleta upang makatipid. Lagi rin siyang nakakaramdam ng panghihina at stress, kaya para mabawasan ang mga ito, ginawa niya ang pagpadyak nang regular para maibsan ang kanyang mga nararamdaman. Halina at sundan natin ang kanyang kwento tungkol sa kanyang paglalakbay paikot sa Pilipinas.
Taong 2022, naitalaga ako sa Panglao, Bohol ng aking kumpanya. Dito ko mas lalong napagtanto na sobrang ganda ng Pilipinas at hindi ko pwedeng palampasin na hindi maikot ito bago ako mawala sa mundo. Nag-ensayo ako, araw-araw ay pumapasok at umuuwi ako gamit ang bisikleta at tuwing Sabado’t Linggo ay palayo na ako ng palayo. Nariyan napuntahan ko ang Chocolate Hills, Bilar Man-made Forest, Kawasan Falls, Cabilao Island at marami pang ibang sulok ng Bohol.


Di naglaon nakita ko sa mga Facebook posts na may ilang mga siklista na pala ang kasalukuyang gumagawa ng Philippine Loop, ito ay sina Glenn, Jeremy, Raph Kevin at Kuya Carlo na pawang mga nakarehistro sa Philippine Loop Adventure Tour. Sa pakikipagpalitan ko ng mensahe sa kanila at pananaliksik, na enganyo na rin akong lumahok sa event na ito. Bumili na ako ng mga pangunahing pangangailangan ko upang maisakatuparan ang pangarap kong ito habang patuloy pa rin sa pag-eensayo. Hinati ko sa tatlong bahagi ang paglalakbay na ito: Bohol-Manila via Leyte-Samar-Bicol, Visayas-Mindanao leg at North Luzon loop. Naglaan ako ng 100kms kada araw, ang importante ay sa mga town proper ko tatapusin ang isang araw na padyakan.


March 21, 2023, unang araw ng paglalakbay ko ay napakaswabe lang ng naging padyak. Umalis ako ng Panglao, Bohol bandang alas-kwatro ng madaling araw at nakarating sa Guindulman ng ikatlo ng hapon. Naflatan pa ako nyan pero sa kabuuan ay naging maayos naman at nagkaroon pa ako ng oras mamasyal sa mga beach papuntang Anda.
Noong makatawid na ako ng Leyte at Samar, dun ko na naranasan ang ilan sa mga naging hamon ng paglalakbay na ito: maflatan ng ilang beses, umahon sa mga kabundukan na may mabigat na dalahin, mapinahan ng mga trucks/buses, pumadyak sa ilalim ng tirik na araw, malakas na ulan at suongin ang malalakas na hangin galing sa Pacific Ocean. Nagkaroon din ako ng pagkakataong makauwi sa lupang aking sinilangan at makita ang dalawa kong anak sa San Roque, Northern Samar. Dito na rin ako nagpahinga ng isang araw pagkatapos ng walong araw na padyakan.




Matapos ang pitong araw ng pag-pedal ay narating ko na ang KM 0 sa Luneta, Manila. Ilan sa naging highlights ng unang yugto ng aking paglalakbay ay ang mga sumusunod: Mahaplag Clouds View, MacArthur Leyte Landing Memorial, Balangiga Church and its Bells, Canhugas Nature Park, Pinusilan Rock Formation & Lagoon, Cagsawa Ruins, Sumlang Lake, Atimonan Old Zigzag Road at marami pang iba. Dito ko rin unang naranasan na matulog sa police station (Borongan City), fire station (Mapanas BFP) at munisipyo (Gumaca).


Nagpahinga lang ako at pinalipas ang Mahal na Araw at nag-side trip na rin sa ilan sa mga sikat na puntahan ng mga siklista ang RevPal or Reverse Palace malapit sa Tagaytay at Kaybiang Tunnel sa Maragondon, Cavite. Pagkatapos ng Ramadan ay sinimulan ko na ulit ang biyahe pababa sa Visayas at Mindanao. Mula Batangas ay tinawid at nadaanan ko ang mga isla ng Mindoro, Panay, Boracay, Guimaras, Negros hanggang sa makarating sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.




Sa una ay natatakot akong dumayo sa Mindanao dahil sa kabi-kabilang masasamang balita na ipinalalabas sa TV, napakikinggan sa radyo at nababasa sa mga dyaryo, pero iba pala ang pakiramdam kapag napuntahan mo na ito. Hindi lahat ng taga-rito ay mga rebelde o masasamang tao, marami rin ang mabubuting tao. Sa katunayan ay sobrang dami ng tumulong sa akin dito: nagpaabot ng pera, pinakain ako, pinatuloy sa kanilang mga tahanan at sinabayan pa akong pumadyak, malayo sa sinasabi ng iba.


Isa ang Marawi City sa aking nabisita dito sa Mindanao. Bakas pa rin ang sugat ng pinagdaanang gera, pero unti-unti na itong bumabangong muli at bumabalik ang sigla sa Ground Zero na minsang naging sentro ng bakbakan sa pagitan ng militar at ISIS-Maute Group noong 2017. Nagpahinga lang din ako ng isang araw dito para maglaba, maglinis ng maruming bisikleta at syempre para gumala.
Dahil sobrang laki ng Mindanao, ilang araw din ang nailagi ko rito bago makarating sa dulong-bahagi nito sa Surigao del Norte at makatawid sa huling sidetrip ko, ang Siargao Island. Dito nagkita kami ng asawa at anak ko para makapagbakasyon din sila at mabisita ang lola na magdiriwang ng ika-80 taon ng kapanganakan. Masaya ako dahil sa ikalawang oportunidad ay narating ko ang islang ito, hindi lang upang gumala kundi ang mag-surf ulit sa Cloud 9.



Tuluyan ko ng naisarado sa Tacloban City ang Vis-Min leg pero pinadyak ko pa rin hanggang Port of Allen, sa pagkakataong ito ay dumaan ako sa Catbalogan-Calbayog upang mabuo ang Samar Loop. Pagdating sa pier ay naghanap na ako ng truck na maangkasan pabalik ng Manila dahil mas mahal kung sa bus ako sasakay.
June 10, 2023, kasalukuyang binabayo ng bagyong Chedeng at hanging Habagat ang Luzon, ngunit hindi ako nagpaawat na ituloy ang ikatlong yugto ng aking byahe. Nagpahinga pa ako sa Concepcion, Tarlac, ng isang araw, pero pagsapit ng June 12, Araw ng Kalayaan, dahil na rin sa patuloy na pag-ulan ay naaksidente at nasira ang cellphone ko sa Botolan, Zambales, hudyat upang itigil ko munang pansamantala ang paglalakbay at bumalik na muli sa Maynila.


Makalipas ang ilang araw ng pagpapagaling at nakabili na rin ng segunda manong cellphone, ay nagpatuloy na ako. Naging counter-clockwise na ang aking ruta, inuna ang mga probinsya ng Nueva Ecija, Aurora, Nueva Vizcaya, Isabela, hanggang makarating sa tuktok ng Luzon: Aparri, Cagayan kung saan ako nagpahinga ng isang araw at naglaba na rin ng mga maruruming damit.


Kung gaano kahirap ang ruta sa Vis-Min ay ganun din dito sa Luzon dahil sa mga nagtaasang kabundukan ng Sierra Madre at Cordillera. Isa sa mga naging malaking pagsubok ang daan pabalik mula Baler hanggang Pantabangan at ang ikalawang pinakamataas na kalsada sa Pilipinas ang Atok, Benguet. Sa kabila ng hirap ay sobrang sulit naman ang kapalit dahil sobrang ganda ng makikita mo sa tuktok ng bundok. Naging maingat lang din ako sapagkat madalas ang pag-ulan at hamog sa mga kabundukang ito. Naging highlights naman ng North Luzon Loop ko ay ang mga sumusunod: Dalton Pass, Claveria Boardwalk, Patapat Viaduct, Bangui Windmills, Malacañang of the North, Calle Crisologo at Old Highest Point. Nagkaroon din ng pagkakataon matikman ang mga pinagmamalaking mga pagkain ng norte tulad ng Pansit Batil-Patung, Ilocos Empanada, Pigar-Pigar at marami pang iba.
July 12, 2023 sinalubong ako ng sobrang lakas ng ulan mula Meycauyan, Bulacan hanggang Manila na nagpabaha sa kalsada at nagpabagal ng aking pagpadyak dahil sa Hanging Habagat na pinaigting ng bagyong Dodong. Sa kabutihang palad ay nakarating ako ng bahay namin ng ligtas at nagkaroon kami ng masayang salo-salo kasama ang aking pamilya.
Sa huli, natapos ko ang Philippine Loop Adventure Tour ng 61 riding days sa pagitan ng Mar. 21 hanggang July 12, 2023 at may haba itong 6,704.57 kms gamit ang bisikletang Traction Moab 27.5” 1x11speed.


Leave a Reply