Sanchez Peak

ni: J. Ruel

Para sa iba, kilala ang General Santos City bilang tahanan ng ating pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Dinadayo rin ito ng ibang negosyante upang makabili ng sariwang tuna na makikita lamang sa siyudad. Hindi rin mawawala ang mga ‘tourist spot’ sa lugar kagaya ng Sanchez Peak na ilang oras lamang ang layo mula sa lungsod. Kaya naman ang mga ‘outdoor enthusiasts’ ay naglalaan ng oras upang mapasyalan ang lugar.

Isa dito si Ruel na sumama sa isang kaganapan noong ika 26-27 ng Nobyembre 2022. Ayon sa kanya, may apat na grupo ng siklista ang nagkita-kita upang umahon papuntang Sanchez Peak. Hindi lang pagbiyahe o pag-camp ang misyon nila kundi ang pagtatanim ng puno sa naturang lokasyon. Kahanga-hanga ang aktibidad na ito at isang magandang impluwensiya para sa iba na gustong makatulong sa Inang kalikasan. Ang mga susunod ay ang kanyang istorya kasama ang iba pang siklista.

Handa na ang lahat at excited na akong ma-meet ang ibang mga kasama para sa araw na ito. Target namin ngayon ay ang Sanchez Peak medyo malapit lamang ito mula sa Plaza Heneral Santos ngunit may parte ang daan na hindi sementado hanggang taas. Apat na grupo kaming nagkita-kita sa plaza: ang grupo ng Davao Bikepacking Community, Iligan Bikers, Team Kalmado at Esperanza Bikers. Kwentuhan at hintayan muna bago umalis at syempre hindi mawawala ang ‘group picture’.

May kasama rin kaming dalawang biyaherong nag-Phi-Philippine Loop na taga-Iligan. Tinahak namin ang daan papuntang Barangay Olympog. Tahimik at may mangilan-ngilan na bahay ang iyong makikita. Ayos pa ang daan dito ngunit bago makarating sa Balakayo Elementary School, dito na nagsimula ang kalbaryo.

Graba at mabato na simula sa daang ito. Dahil sa dala naming mga gamit medyo nahirapan kaming pedalan ang daan papuntang sa peak. Akay ang bisikleta at gamit namin, di kami nahiya dahil mas madali pang magtulak kaysa padyakan ang natitirang 2.5 kilometrong daan. May iba ring trail papunta sa tuktuk ng bundok. Sa katunayan, tatlo ang pagkakaalam kong daan papunta dito at ito ang pinakamahaba ngunit pinakamadali, lalo na kung may dala kang bisikleta. Yung dalawang trail ay mas mahirap, teknikal at tiyak na mas ma-e-enjoy ng ‘hikers at runners’ kaysa sa atin.

Pagkalagpas ng Catulpus Ridge natanaw namin ang Brigada Hills, senyales ito na malapit na kami sa aming destinasyon. May tindahan din sa taas ng burol kung saan pwede kang magpaluto ng iba’t-ibang ulam. Pagkatapos naming kumain ng agahan sa taas ay pinagpatuloy na namin ang aming aktibidad, ang magtanim ng puno. Narra at kape nga pala ang aming tinanim, mabilis lang namin ito naitanim dahil kakaunti lamang ang punla na ibinigay sa amin.

Ang sarap ng pakiramdam noong nagtanim kami ng mga punla, naisip ko, kailan kaya ito lalaki at mapapakinabangan ng susunod na henerasyon? Ang pagtatanim ng halaman o puno ay isa lamang simpleng paraan upang matulungan ang Inang Kalikasan. Ito ay mabisang paraan upang bigyan ng bahay ang ibang mga hayop at labanan ang pabago-bagong klima saan mang parte ng mundo. Pagkatapos naming magtanim ay nag-set-up na din kami ng tarp, naghapunan, nagkwentuhan at nagkaroon din kami pala ng raffle noong araw na iyon. Pagkatapos ng mga aktibidad ay humilata na kami sa aming mga higaan habang pinagmamasdan ang mga munting ilaw na nanggagaling sa siyudad.

Kinaumagahan, nagligpit na kami ng aming mga gamit. Tuluyan na naming lilisanin ang mapayapang lugar at muli ng babalik sa maingay at magulong siyudad. Umaga pa lang at medyo pawis na kami habang bitbit pababa ang aming mga bisikleta. Backtrack lang ang aming ginawa kaya mabilis kaming nakarating sa baba. Nang kami ay makarating sa baba, nagpaalam na kami ng aking mga kasama sa mga uuwi ng siyudad at iba pang nakasama pauwi naman ng Koronadal City.

Ang karanasan na ito ay isa lamang dahilan kung bakit nasasabik muli akong sumama sa susunod na kaganapan ng PBF (Philippine Bikepacking Federation). Naglalaro rin sa aking isipan ang mga tanong na: Saan naman kaya kami dadalhin ng aming mga binti? Malayo ba o malapit? Ano naman kayang aktibidad para sa kalikasan ang mangyayari? Sa kabundukan kaya o sa malapit sa baybayin? At marami pa kaya kaming ibang mukha na makikita sa susunod na biyahe? Hmmm… malalaan natin ito sa susunod na taon.

Leave a Reply