Serenidad

ni: M. Sales

Marami sa atin ang naglalakbay para makalayo sa gulo at para makilala nang tuluyan ang ating sarili. Si M. Sales ay isa lamang sa mga siklistang naghahangad na makapunta sa iba’t-ibang lugar gamit ang kanyang bisikleta. Dahil sa ride niyang ito, nauunawaan niya nang mas malalim ang kanyang katauhan, ang kalagahan ng mga bagay at pamilya. Hindi man ito hardcore o multi-day ride, ang maikling kuwentong ito ay nagpapatunay lamang na ang pagbibisikleta ay malaki ang epekto sa pagbabago ng buhay. Halina at basahin natin ang kanyang munting biyahe papuntang Nueva Ecija.

Ako si Mark at may pangarap akong marating ang iba’t-ibang lugar gamit aking bisikleta, March 11,2023 ang araw kung saan sinakatuparan ko ang matagal ko nang minimithi. Bumiyahe ako ng mag-isa mula lungsod ng Pasay hanggang Gapan, Nueva Ecija, at pabalik gabay lamang ang kyuryusidad at kagustuhan makatuklas ng sarili. Alas-tres ng madaling araw sa nasabing petsa, ako ay nagsimulang pumadyak, hindi ko mailarawan ang aking nadarama (halong pananabik na may kasamang kaba). Lumipas ang mga unang oras ng pagpadyak at nabawasan na ang aking pangamba kasabay ng pagsilip ng liwanag ng araw sa aking tinatanaw.

Bandang Bocaue, Bulacan na ako at ninanamnam ko ang pakiramdam na dati ko lang inaasam mula sa pagkakaupo mula sa aking kompyuter habang tinitingnan ang aking magiging ruta at mga dadaanan. Ganito pala ang pakiramdam! Sa sobrang saya at pagkamangha, tila ba ako’y isang baliw na kinakausap ang sarili na may kasama pang paghiyaw. Bandang alas-sais na ng umaga ay narating ko rin ang Balagtas, Bulacan. Batid ang dami ng siklista na may kanya-kanyang ruta. Habang patuloy sa pagmatyag, tinabihan ako ng isang matandang nagbibisikletang mag-isa at wika niya. “saan ang punta mo?” tugon ko naman sa “Lumang Gapan ho!” sabay nag alok siya na samahan ako dahil kabisado na ni tatay ang lugar “ilang beses ko na iyon napuntahan” wika niya.

Hanggang sa tuluyan na rin kaming naghiwalay dahil napakabilis niya sa pagpadyak haha. Ilang sandali pa ay nakarating ako sa Plaridel bypass road. Isang mahaba at mapang-hamong kalsada, kalahati pa lang ang sementadong bahagi nito, ngunit malaya ng gamitin ito ng publiko. Binuhat at lumipat ako sa bahagi ng kalsadang hindi pa nadadaanan ng mga sasakyan para iwasang makipagsiksikan sa naglalakihang truck at matutuling sasakyan. Sa kalagitnaan ay napatigil ako dahil sa isang malawak na luntiang tanawin kasabay ng pagdampi sa aking pisngi ng malamig na hangin. Nagdesisyon akong magpahinga ng sandali para namnamin ang pagkakataong tunay at kasalukuyan.

Sa San Rafael, Bulacan, paglabas ng by-pass road nag desisyon na akong kumain ng almusal, kumain ako ng lugaw at tokwa sa tabing daan dahil gutom na din ako. Medyo masungit si ate na bantay at may kabulyawan na isang lalaki mula sa malayo, pero tuloy lang ako sa pagkain. Pagkatapos kong maubos ang aking inorder, humingi ako ng maiinom para ilagay sa aking baunang tubig. Dito na din nagsimula ang maikling kwentuhan, habang nagsasalin ng tubig na ibibigay sa akin ay nagsimula nang magtanong sa akin ni ate. Saan ako galing at kung saan ba ako tutungo? Matapos niyang marinig ang sagot ko ay nagsimula na siyang magdurog ng yelo para idagdag sa baunang tubig ko, sabay wika nya “kunin mo na din iyan at malayo ka pa pala. Hindi ko napigilang matuwa sa ipinamalas niyang kabutihan kahit sa simpleng bagay. Nagpaalam ako na kuhaan sya ng litrato kasama ang munti nyang kainan. “tubig lang ang hiningi ko pero pinabaunan nya din ako ng yelo” (bulong sa sarili…). Matapos kong magpasalamat ay nagpatuloy na ako nang may laman ang tiyan at busog na puso.

Maka-ilang oras lang ay nabagtas ko na ang bayan ng San Ildefonso at bayan ng San Miguel sa Bulacan. Bumabagal na rin ang aking pag-usad kasabay ng init na dala ng araw. May nadaanan akong nagtitinda ng hopia sa gilid ng kalsada, kaya hinintuan ko na para bumili at dagdag na baon sa kalye. Pagkatapos nun ay dumereho na din ako kaagad ngunit ilang sandali ay pinili ko na talagang magpalipas muna ng tanghalian dahil kailangan ko na ulit kumain, yung binili kong hopia ang aking tanghalian sa gilid ng waiting shed na aking hinintuan. Dali-daling sumubo ng isa at kumagat ng pangalawa, sabay masid sa paligid dahil katabi ko ay palayan (naglaro sa isip ko na baka may ahas doon). Kapag nalagay ka talaga sa ganitong estado, ay kung ano-ano na ang sasagi sa isip mo.

Pipiliin ko pa sanang magpahinga ng mas matagal pero ng makita ko ang tarpaulin na may nakalagay na “Welcome to Gapan” tila ako nabuhayan, di ko namalayan na nasa Gapan na pala ako parang biglang bumalik sa isang daang porsyento ang lakas ko, nakaka-motivate lalo na kapag nakakalampas ka sa mga arko ng bawat bayan, paalala na umuusad ka. Alam kong malapit na ako dahil tanaw ko na ang Arko ng Nueva Ecija. Dito, hindi ko na napigilang hindi maging emosyonal habang sakay ng aking bisikleta. Napakaraming pagbabalik-tanaw ang nilalarawan ng isip ko.

Napaluha din ako at nadiskubre ko sa sarili ko na mahina pala ako. Gusto ko nang umuwi at yakapin ang aking Ina at mga taong malapit sa buhay ko, ganito pala kapag nalagay ka mahirap na sitwasyon makikita mo ang kahalagahan ng mga taong andyan sa tabi mo araw-araw. Hahanapin mo sila, hihilingin mo na sana kasama pa natin sila sa pagkakataong hindi natin kaya. Alam kong hindi ito ang huli, bagkus dito magsisimula ang lahat. Sa biyaheng ito ko napagtanto ang mga bagay na dapat at hindi wasto lalo na kapag bibiyahe ka ng malayo gamit ang iyong bisikleta. Una, ay ang magdala lamang ng mga bagay na sa tingin mo ay kakailanganin mo para maiwasang makompromiso ang bigat dahil malaki ang epekto nito sa magiging bilis ng iyong pag-usad. Pangalawa ay ang magdagdag ng safety features hangga’t maaari. Sa biyaheng ito, naranasan ko ang bumiyahe sa malaking kalsada kasama ang mga naglalakihang trak at ilang matutuling sasakyan, makailang ulit ko naranasang matabihan o di kaya’y halos mahagip ng mga sasakyan. At ang pinaka-importanteng bagay ay ang pag-papa iral ng respeto, pagiging mabuti at ang pagiging totoo sa sarili, maging bukas sa pagtanggap ng anumang hamon at galak na hatid ng kalikasan, hayop at mga tao na siyang magbibigay kulay at kahulugan sa ating magiging karanasan sa bawat daan.

Leave a Reply