Sinubukan Kung Kaya

ni: B. Javier

Bago ko umpisahan ang iba pang plano sa buhay, nagpasya akong tuklasin muna ang silangang bahagi ng Tasmania dahil isa ito sa mga bucket list kong puntahan sa islang ito. Hinati ko ito sa tatlong ride (max 4 days) para mapuntahan at ma-explore ko ang mga tinatagong ganda ng rehiyon. Ito ang huling padyak (3 of 3) ko papuntang East Coast. Masasabi ko na ito ang pinaka-exciting sa tatlo dahil madadaan ko sa rutang ito ang isa sa mga kilalang MTB haven sa bansa. Dasal ko lang na sana sa ride na ito ay wala sanang maging aberya. Noong una at pangalawa kasi, medyo marami ang naging aberya na nagpabagal at umubos sa aking oras. Ang mga susunod ay ang naging karanasan ko sa huling ruta ko papunta sa East Coast, Tasmania.

Pagkatapos ng trabaho ay dumiretso kaagad ako sa sakayan ng bus patungong Launy. Tatlong oras din ang biyahe mula sa amin, kaya nagdesisyon na akong sumakay ng bus kaysa padyakin ko pa ang rutang ito nang 2 araw. Nakarating ako sa aking destinasyon mga 9:30 na ng gabi. Malamig at medyo inaantok na rin ako. Nagpahinga lamang ako saglit (15 mins.) at sinumulan na ang pagpadyak papuntang Mount Barrow Reserve. Madilim ang daan at walang mga sasakyang dumadaan, sino naman ba ang hindi aantukin sa ganitong eksena. Tanging naririnig ko lang ay ang mga huni ng mga hayop at rumaragasang ilog sa aking kaliwa. Pagkatapos kong tiisin ang antok ng ilang mga oras, nakarating ako sa kalsada patungo sa reserve. Napakalamig ng umagang iyon at hindi nakakatulong ang pag-pedal ko paakyat. Kailangan kong maging matiyaga at magpatuloy pa sa pagpadyak hanggang sa marating ko ang stone shelter (sa tuktok) kung saan ako maaaring manatili at panoorin saglit ang pagsikat ng araw.

Pagod at inaantok, nakarating ako sa isang day shelter. Nagpahinga at umidlip ako ng ilang minuto para maibsan ang aking guni-guni. Makalipas ang ilang saglit, biglang nag-alarm ang aking telepono, senyales na kailangan ko ng ipagpatuloy ang aking pagpadyak. Antok na antok pa rin, mabilis kong hinawakan ang aking bisikleta at nagpatuloy sa pagbisikleta sa malubak na kalsada. Napaka-smooth ng daan at ang pag-DH sa lubak ay talagang masaya (lalo na sa dilim). Ngayon, ang sumunod na nangyari ay isang bagay na hindi ninyo basta-basta maiisip. Inabot ako ng limang minuto bago ko napagtanto na mali ang direksyong dinadaanan ko. Nang tingnan ko ang aking mapa, naging malinaw sa akin na nagkamali ako. Natagpuan ko ang aking sarili sa lokasyon kung saan ako unang umahon! Walanjo!

Pagkalipas ng ilang oras ay narating ko rin ang tuktok ng bundok. Wala ring stone shelter sa taas (dahil giniba na) kaya’t nag-picture lang ako ng mabilisan, kinain ang aking piping sandwich at bumaba na ng reserve dali-dali dahil malayo pa ang pupuntahan ngayon.

Mataas na ang araw at nararamdaman ko na ang init ng aking katawan. Kailangan kong maging matiyaga at sumabay sa agos upang basagin ang rutang ito. Sa totoo lang, mainit na at mahirap makipagkumpitensya sa puwersa ng kalikasan (headwind) sa kalsadang ito. Ngunit pagkatapos ng ilang oras na pakikibaka, nakabalik uli ako sa sementadong daan. Nagpatuloy pa ako nang ilang minuto hanggang nakarating ako sa susunod kong stopover. Nagpahinga lang ako at kinain ang kalahating durog kong sandwich para sa aking tanghalian at nagpatuloy na pumadyak papuntang Northeast Rail Trail.

Nakarating ako sa unang bahagi ng trail pasado alas-dose na ng tanghali. Noong una, akala ko ay boring ang trail dahil dumadaan ito sa isang lumang kamalig ng pabrika, bakuran at ilang junction ng kalsada. Ngunit habang umuusad ang paglalakbay, lahat ay nagbabago mula sa magandang mga bukirin hanggang sa mayayabong mga halaman. May mga information din sa lugar tungkol sa history, well-posted signs (para hindi ako mawala), shelter na naman at mga wildlife.

Sa kalagitnaan ng trail ay sumipa ang aking adrenaline nang dumaan sa akin ang isang grupo ng mga gravel grinders (8-10 siklista). Sinubukan kong pumedal ng mabigat at sinundan ang sweeper sa linya (umaasang mapantayan ko ang takbo niya). Pagkalipas ng ilang minuto,nakaramdam kaagad ako ng pagod at hindi na makasabay sa grupo ng mga siklista. Huminto ako satabi ng trail para habulin ang aking hininga at pagkatapos, bigla akong nakarinig ng malakas na sssss… (tunog ng ahas) malapit sa aking gulong sa harap. Holy moly, nagpakita na naman ang mahiyain kong kaibigan!

Nagpaalam at nagpasalamat ako sa dati kong kaibigan dahil binigyan niya muli ako ng panibagong araw para mabuhay. Nagpatuloy akong pumadyak hanggang sa makarating ako sa Valley Ponds.

Ang Valley Ponds connector trail ay tumatagos/nagduduktong sa dalawang bayan ng rehiyon. Maaari mo itong daanan kung ayaw mong makipagsapalaran sa highway. Ang trail na ito rin ay may disenyong angkop para sa mga nagsisimula pa lang sa MTBiking. Sa sandaling pagbagtas ko sa kahanga-hangang trail na ito, narating ko ang isang nakamamanghang switchback descent. Napakabilis ng pangyayari, at wala akong sapat na oras upang ituwid ang aking manibela pagkatapos ang biglaang pagliko. Ang resulta? Semplang!

Pagkatapos ng kapanapanabik na karanasan sa Valley Ponds, naabot ko rin ang isang kamangha-manghang lokasyon ng MTBiking sa Eastern Tasmania, ang Derby. Sobrang dami ang nag-MTB dito kaliwa’t kanan, bata at matanda. Halos nakita ko rin na tinitingnan ako ng iba dahil siguro akala nila na mag-camp ako sa lugar at gagamitin ang aking rigid na bisikleta sa mga double diamond trails sa spot, nope! Matapos dumaan sa Derby, sinadya kong sundan ang isang track (dahil lusot nito ay kung saan ako mag-ca-camp), ngunit hindi ko mahanap ang tamang ruta, kaya bumalik ako muli sa main road.

Maaari sana akong mag-bike sa Tasman Highway at mag-camp malapit sa Gladstone at mag-stealth camp doon, ngunit gabi na at ayoko nang ipilit ang sarili ko (halos 20 oras na akong nakasakay sa aking bisikleta). Kaya nagpasya akong mag-overnight at mag-stay na lang sa Weldborough Campground.

Kinaumagahan, palihim kong inayos ang aking mga gamit at nagtungo sa Pyengana, kung saan ako magre-resupply ng pagkain para sa isa pang araw na pagpadyak. Magiging madaling hamon ang umaga ito dahil kailangan ko lang pumedal ng 35 kilometro para marating ang aking destinasyon (Blue Tier Arch). Pumadyak ako papunta sa isang napakarilag na kanayunan at dito rin mag-uumpisa ang kalbaryo. Habang umaakyat at humihingal, napansin ko ang isang grupo ng mga kalalakihan (sa loob ng isang van) na armado ng kanilang mga mountain bike na walang kamuwang-muwang na nakatingin sa akin (nagtataka bakit ako nandoon).

Pagkatapos noon, nakasalubong ko ang isang babaeng rider galing sa trail at sinabi niya sa akin na ang susunod na kurso ay magiging mas mahirap at talagang challenging. Ito ay isang babala sa akin, ngunit hindi ko ito masyadong pinansin dahil gusto ko talagang subukan ang trail na ito. Pagkatapos ng ilang minutong pag-akyat, nakarating na ako sa welcoming arch ng Blue Tier. Kumuha ako ng ilang litrato at sinimulan na ang solid na ruta.

Pagkatapos ng nakakatakot na 30 minutong pag-ride, nakarating ako sa intersection ng mga trail ng Blue Tier at Bays of Fire. Wala namang naging aberya sa aking bisikleta (salamat naman) at ang tanging negatibong pangyayari na naranasan ko lamang sa ngayon ay isang malfunction ng aking camera (hindi maka-record).

Nagsisimula ang trail sa isang magandang ritmikong pagdaloy, dadaanan mo ang isang nakalantad na platform patungo sa madilim na misteryosong kagubatan sa loob ng reserve. Ang unang balakid na aking hinarap ay ang pagdaan sa maliliit na bato at mga ugat ng puno. Nakaligtas ako sa mga obstacle na ito ngunit ramdam ko na bugbog kaagad ang aking kamay (wrist) dahil naka-rigid fork lang ako. Pangalawa, ay ang “baby head pannier gap,” na nadaanan ko rin. May mga bahagi rin akong nilakad dahil hindi talaga uubra kung may pannier bag ka sa harap. Pero mostly, rideable ang trail, pero expect mo na grabe ang kapalit haha! Naging masaya ako sa pagbisita sa MTB trail na ito, ngunit pagkatapos ng 4 na oras ng pagpadyak ay biglang nagbago ang panahon. Dumilim at biglang umulan nang malakas habang nasa kalagitnaan pa ako ng trail. Salamat sa mga puno, nagkaroon ako ng kaunting silong para mabawasan ang pagkabasa sa ulan (pati na rin ang aking gamit na nasa loob ng aking bag). Nagpatuloy ako kasabay ng pagragasa ng tubig pababa sa technical DH track hanggang sa makarating ako sa Froome Road.

Basang-basa, maputik at lamig na lamig, huminto ako saglit at tinapos na ang ruta bago pa man ako abutan ng dilim sa daan. Bumalik ako sa Tasman Highway at pumadyak ulit ng ilang oras para mag-stay sa pinakamalapit na hotel.

Leave a Reply