Huling Ruta sa Lambak ng Derwent

ni: B. Javier

Noong Setyembre 2019, nagpasya ako na tuklasin ang ilang lugar sa Central at Southwest Tasmania. Ang plano ay mag-ikot ng isang linggong loop sa paligid ng rehiyon. Dahil sa pagbabago ng mga shift sa trabaho at mga personal na bagay, napagtanto ko na imposibleng matapos ko ang biyahe. Sa halip, hinati ko ang ruta sa iba’t ibang seksyon. Ang kagandahan ng bagong planong ito ay ang pagkakataon ko na mapuntahan at makita ang iba pang mga lugar sa kanayunan.

Tatapusin ko na sana ang huling ruta ng biyahe nang tumama ang Covid sa bansa. Mahigpit ang mga binigay ng tuntunin ng estado para lang makalabas ng bahay, kaya ipinagpaliban ko muna ang aking paglalakbay nang mahigit isang taon. Ito ay mahirap at isang mapaghamong panahon para sa natitirang bahagi ng bansa. Pagkatapos ng ilang buwang paghihintay, ang kondisyon ay lumuwag. Sa wakas, oras na upang ipagpatuloy ko ang huling natitirang ruta sa Derwent Valley.

Pagpasok ko pa lang sa National Park, tahimik na akong pinayagan ng mga bundok sa Southwest na tuklasin ang kanilang nakaraan. Ang pagtawid sa mga taluktok ng dolerite na may malalaking tipak ng bato na nabuo milyun-milyong taon na ang nakalipas ay ang aking naging motibasyon sa paglalakbay na ito. Naglaro rin sa isipan ko kung paano nabuo ang nakalantad na lupain na ito. Iba ang naging karanasan ko habang binabagtas ko ang parkeng ito. May mga ‘wildlife’ na tumatawid sa daan, iba’t- ibang klase ng halaman at higit sa lahat, malayo sa sibilisasyon. Ilang oras ko ring binagtas ang rutang ito mula sa aming bahay.

Pagkatapos ng ilang oras na pag-pedal, sa wakas ay narating ko na ang Adamsfield, isang lumang bayan ng pagmimina. Sa puntong ito, maraming pagtutulak ng bisikleta ang nangyari. Ang makapal na putik na nagpapahinto sa aking mga gulong mula sa paggulong habang binabagtas ang kilalang Sawback Ridge Track. Paulit-ulit kong tinatanong sa sarili ko, dapat ba akong tumalikod at bumalik kung saan ako nagsimula, o harapin ang hamon at ipagpatuloy ang paglalakbay?

Maingat kong itinutulak ang aking bisikleta nang halos isang oras nang makakita ako ng tuyo at isang matarik na daan pababa. Ang malakas na tunog mula sa aking preno, pagdantay ng aking mga gulong sa mga bato at pagtawid sa maliit na sapa. Ahh, sa wakas, ito na ang istilong hinihintay ko!

Pagod at gutom, nakarating ako sa Frodshams Pass (Junction Hill/Pass papuntang Mueller Road). Bago ko ipinagpatuloy ang huling tatlumpung kilometrong kalsada, umupo muna ako sa tabi ng isang maliit na ‘run-off’ at muling pinunan ang aking hydration bladder habang kinakain ang dalawang natutunaw ko ng tsokolate na inireserba ko para sa araw na iyon.

Sa kalagitnaan ng seksyong ito, nagbago ang backdrop ng paligid, ito ay nagpapaalala sa akin ng isang lugar na tinatawag na Knoydart, sa Scotland. Isang lokasyon na may pambihirang tanawin, kakaibang flora at fauna, at walang katapusang hanay ng mga tiwangwang na bundok.

Malaking tulong din ang mga puno sa lugar dahil ito ang nagbibigay sa akin ng malamig at sariwang hangin habang naglalakbay papunta sa aking destinasyon. Bilang isang masigasig na manlalakbay, nasisiyahan ako sa bawat bahagi ng daan na aking nadadaanan. Ginugugol ko rin ang kaunting oras ko sa pag-iisip ng isang kasiya-siyang paraan upang pahalagahan ang mga ‘surreal’ na tanawin ng aking kasalukuyang lokasyon.

Tirik pa rin ang araw nang makarating ako sa aking maaliwalas na campground na may libre at dramatikong tanawin ng Southwest National Park. Matulog sa isang natural na tirahan, tumingin sa hindi sirang tanawin, at malaman ang mga bagong bagay. Ito ay kalayaan! (kausap ang sarili ko habang humihigop ng Chamomile tea bago matulog).

Mayroon lamang isang daan patungo sa Lake Pedder, kaya ang pag-backtrack ng daan lamang ang natitirang opsyon. Kinaumagahan, niligpit ko ang aking mga gamit, nagsagawa ng kaunting pag-stretch, nilagyan ng enerhiya ang sarili, at pagkatapos ay bumalik na ako sa upuan ng aking bisikleta. Ang pagbagtas ng daan papuntang Mueller Road sa umaga ay isang kakaibang karanasan dahil makikita mo ang sinag ng araw na tumatama sa bawat tuktok ng matatayog na bundok sa isang makatwirang distansya. Ang maagang simoy ng hangin ay tiyak na magpapasigla sa iyong katawan at sariwain ang mausisa na isipan ng isang tao.

Maaga pa nang marating ko ang Mueller Road (Junction Hill/Pass sa likod ng litrato). Para sa akin, isa itong perpektong kahanga-hangang rolling track na may baku-bako at malalim na hukay na dapat mong iwasan. Para akong nakikipagkumpitensya sa isang cross-country race habang tumitingin sa mga reserbang kagubatan. Sa kalagitnaan ng ruta, nakatagpo ako ng dalawang lalaki na nag-ride ng whe-wheelie ng kanilang mga motor. Hindi nagtagal, isang matandang lalaki naman na nakasakay sa kanyang Orange County Chopper na motorsiklo ang biglang sumulpot sa aking likod habang nilalakbay ko ang bahagi ito ng kagubatan. Mula sa sandaling iyon, alam ko na ang sibilisasyon ay hindi malayo sa aking lokasyon. Bago bumalik sa bahay, huminto ako sa Maydena kung saan ako kumain ng tanghalian at nagpahinga ng kaunti habang nangangarap ng panibagong pakikipagsapalaran para sa taon.

Ang aking huling paglalakbay ay puno ng mga sorpresa at hamon, ngunit sa sandaling ilakip ko ang aking sarili sa kapaligiran, ang mga takot at pagdududa na iyon ay madaling nawala. Naniniwala ako na ang muling pagkonekta sa iyong sarili sa kalikasan ay tiyak na makatutulong sa iyo upang makalimutan ang nangyari sa nakaraan.

Leave a Reply