Winter sa Wollemi

Ni: B. Javier

Bagong taon at bagong bisikleta! Sino ba ang hindi excited na subukan ang bagong biling bisikleta? Ano ba? Syempre lahat tayo! Katumbas lang nito ang pabili ng bagong sasakyan na kailangan mong i-break-in para i-check ang mga parts o para maging maganda/gumanda ang performance nito (in the future). Kaya naman noong naka-iskor ako ng 29er (first time kong gumamit nito), e talaga naman mula sa LBS na binilihan ko e pinedal ko ito pauwi ng bahay. Noong medyo nagamay ko na ang paggamit nito (mga 3 buwan as commuter bike) at nakakuha na ng maluwag na schedule, e hindi na ako nagdalawang-isip na mag-overnight ride sa isang national park dito sa Down Under. Halina’t samahan ninyo akong balikan sa winter ride sa Wollemi National Park.

Ang Wollemi National Park, na matatagpuan sa New South Wales, Australia, ay isang kahanga-hangang park na kilala sa kakaibang biodiversity at nakamamanghang tanawin. Ang park na ito ay makikita sa Great Dividing Range, na isa sa pinakamahabang mountain range sa mundo. Napakalaki ng lugar na ito (both Wollemi Wilderness at Nat’l Park). Maaari mo itong ikumpara sa rehiyon ng Pampanga nang dalawang beses. Kaya naman noong ginagawa ko ang rutang ito, pumili lang ako ng ruta na sasakto sa oras ko at easy exit points kung sakaling may aberyang mangyari.

Maaga pa lang ay bumangon na ako at naghanda para i-catch ang unang biyahe ng tren mula sa aming suburb papuntang Lithgow, NSW. Medyo sakto lang naman ang lamig noong umalis ako sa amin at patapos na rin ang winter, kaya kampante naman ako na magiging swabe ang magiging ride ko at maca-carry ko ang lamig sa park. Dinala ko rin ang aking down jacket at ang sleeping bag ko (na rated 15 degrees Celsius) kung sakaling kailanganin ko ang mga ito. Pagkatapos ng ilang oras dumating din ako sa station ng tren at pagbaba na pagbaba ko, boom!, sapol na sapol ang lamig ng hangin sa buong katawan ko. Ang lamig! Wait, napakalamig pala at walang sinabi ang lamig na inilalabas ng aircon sa bahay namin. Dali-dali kong kinuhan ang jacket ko at isunout ko kaagad ito. Tirik ang araw noong umagang iyon, ngunit wala pa ring sinabi ito sa lamig na nararamdaman ko.

Nagsimula agad akong pumadyak upang mainitan ang aking katawan at nakatulong naman ito dahil na rin sa daan na tinatahak ko. Main road ito, ngunit hindi ito aspalto, kaya naman medyo pahirapan din ang pag-ahon sa ilang mga parte ng ruta. Diniretso ko lang ang daan na ito hanggang sa nakarating ako sa isang maikling tunnel sa park. Medyo maaga pa noong kaya panay video at litrato lang ako dahil sa magagandang tanawin. Mula sa train station ay wala pang 60 kms papunta sa aking campground, kaya enjoy at chill ride lang. Dumating na ang tanghalian at naisip ko na kumain muna ako ng binili kong burger sa Macca’s (Mcdo) dahil gutom na rin ako. Padyak pa uli at nakarating na ako sa isang trailhead na kabilang sa ruta ko. Dito na nagsimula ang pagka-wasted ko. Hindi ako sure kung pwede ang bisikleta dito pero para maging safe at e nilakad ko na lang ang bike ko. Walang tao sa track, solo ko ito pero medyo mahirap ito kahit bikeable ang ilang part.

Pagkatapos ng solid na tulakan pagkatapos ng ilang oras, nakalabas at nakahinga na rin ako nang maayos. Tanggal na rin ang kaba dahil sure na ako na makakarating ako nang may araw pa sa aking campground. Ilang oras pa ay nakarating na ako sa Newnes Campground. Ang laki ng campground na ito, para ngang solo ko rin ito. Nag-ikot-ikot muna ako sa site para tingnan ang mga old industrial ruins at kumuha ng litrato para sa koleksyon at istorya. Masasabi ko sa biyaheng ito ay swak na ito at sulit na sulit, at kahit nga i-backtrack ko lang ito at makita ulit nang pareho ang aking dinaan ay okay lang. Kumain lang ako ng aking hapunan at dumiretso na rin sa pagtulog pagkatapos para maaga akong magising kinabukasan.

Magandang umaga, pangalawang araw, Oh dear ! Napakalamig! Nag-check ako ng temperature at ayun, negative two noong umagang iyon! Dama hanggang buto ang lamig, naghanda ako ng aking agahan at mainit na tsaa para kumalma man lang ang aking katawan sa iniindang lamig. Ganito pala ang feeling ng pag-camp ng winter, kaya hands down ako sa mga tourist/packers/siklista na nagbibisikleta tuwing tag-lamig (o sa malamig na lugar). Ngayong araw na ito ay pabalik na ako sa train station, target kong makauwi ng maaga dahil may pasok pa ako kinabukasan. Inayos ko kaagad ang aking gamit at ready to roll na.

Habang nasa main road ako, naiisip ko pala na nandito lang naman din ako sa area kung saan marami pang pwedeng i-explore, bakit hindi ko pa ito puntahan. Naisip ko rin na baka next time hindi ko na ito mabalikan. Kaya yun, imbis na diretso sa train station, lumihis agad ako sa isang trail na kabilang sa isang section ng Bicentennial National Trail kasi maaga pa naman. At pasalamat ko dahil pinasok ko itong trail na ito, napakaganda dito at talaga namang nakakamangha. May mga kweba dito na ginamit ng mga aborigines noong unang panahon at kung ano-ano pang mga flora at fauna na makikita dito.

Matagal din akong namalagi dito sa area na ito dahil bukod sa litrato at video, e nag-early lunch din ako dito. Sinundan ko lang ang trail na ito hanggang makalabas ako sa main road uli (hindi espalto). Nagtuloy-tuloy lang ako sa pagpadyak hanggang hindi ko na namalayan na isang oras na lang pala e dapat makarating na ako sa train station dahil ito yung 2nd last trip pauwi sa amin. Ang susunod na oras ng tren papunta sa amin ay gabi na, kaya kailangan kong magmadali. Sakto naman na nagkakaroon na rin ng signal ang mobile ko kaya naghanap ako ng daan na mas mabilis at maikli para maabutan ko ang sasakyan kong tren.

Habang naka-tutok ako sa mapa, nakita ko itong shortcut na ito na diretso sa kabilang side ng station, malapit lang ito at wala pa itong 1000 meters. Kampante ako na makakaabot ako dahil may isang oras pa ako para sa layo nito, at downhill din pala ito, kaya di na ako nag-alala. Pagpasok ko sa trail ay swabe naman ito hanggang nakarating ako sa kalagitnaan. Agad bumungad sa akin ang mga putol na puno na naka-harang sa mismong dadaanan ko. Holy cow! Iniisip ko, bigla na babalik pa ba ako sa mismong pinasukan ko dahil imposibleng matawid ko ito dahil talagang sarado at walang daan. Yun nga lang, kapag bumalik ako, aahon o magtutulak ako pabalik sa main road. Noong oras na yun ay super stressed ako dahil na rin sa tren na kailangan kong sakyan.

Minuto lang ay nagdesisyon na akong akayain at tawirin ang mga nakaharang na sanga at puno. Grabe! Ito na ata ang pinakahahirap na akay bike ko (sa NSW). Iniisip ko rin kung gaano ba ito kahaba at hanggang saan ito. At ayun, makalipas ang 30 minuto, nakalabas din ako sa masukal na trail na ito. Mga 15 meters lang yung masukal na part, pero solid ang bugbog ng katawan ko dito. Noong nakalabas na ako sa trail, may narinig na rin akong mga sasakyan, sa ibig sabihin ay malapit na ako sa sibilisasyon. May nakita din akong MTBiker at tinanong ako kung saan ako galing, sabay turo naman ako doon sa entrance ng trail. Sinabi niya na last week daw ay may parang nag-maintenance sa lugar ngunit hindi natapos. Kaya ayun, ako ang natapos!

Ang sarap ng feeling kung na solusyunan mo ang mga ganitong stressful na sitwasyon. Ang sarap din ng feeling na may mai-kwekwento ka sa mga katrabaho mo tungkol sa nangyari sa ride mo (at habang kinikwento mo ito ay siguradong matatawa ka na lang sa ginawa mo). At dito na nagtatapos ang aking maikling overnighter experience at sana ganito ulit sa susunod kong ride lol. Nakarating ako sa bahay ng maaga (7pm) at nakapagpahinga para sa sa kinabukasang realidad.

Leave a Reply