Bakas 3

BAKAS 3

ni: BATJ

Hindi na nga talaga maaalis sa ating buhay ang paggamit ng internet (data) lalo na kung gusto nating kumonekta sa ating mga account sa social media at email/s, magbasa ng mga articles sa isang website, magkomunikasyon, manood o mag-upload ng videos sa iba’t ibang video platforms (AI o hindi), maglaro ng online games, at kung anu-ano pang bagay na konektado sa teknolohiyang digital.

Naalala ko pa noong panahong nawalan kami ng internet (mga 3 araw ata iyon) dahil kailangang ayusin ng technician ang server at need daw naming mag-upgrade ng modem. Halos naubos na rin ang data sa mobile phone namin sa kaka-check ng emails namin. Grabe, halos di kami makagalaw, hirap mag-move forward at talagang ‘welcome to the digital world’ na nga ang siste noong moment na iyon. May time din na hindi gumagana yung cashless pay (nawalan ng connection) ng isang lokal na resto (habang nasa bike ride ako, mga year 2019), kaya kailangan kong magbayad ng cash. Yun nga lang, kulang ang cash ko. Buti na lang, mabait yung may-ari. Sinabi niya na ibibigay na lang niya yung account number niya sa akin at bayaran ko na lang daw yung kulang pagdating ko sa bahay. 

Ayun, balik tayo sa topic. Napakalaking tulong talaga ng modern technology ngayon (digital transformation). Kumbaga, hinubog at kinontrol na nito ang pang-araw-araw na kabuhayan natin. Kung wala ito, malamang mag-uusad pagong at hindi magiging productive ang gawain natin. Iyon nga lang, sa kabila ng lahat ng ito, eh, may malaking impact ito na naiaambag sa kapaligiran, lalo na sa kuryente, na maaaring mai-translate sa carbon footprint (lalo na kung ang energy na ginamit para mapatakbo ang mga malalaking computer na nagpo-process ng lahat ng ito ay fossil fuels at hindi renewable energy). Malamang ang isyung ito ay alam na nating lahat (siguro) simula noong gumamit na tayo ng internet, etc. Maaari rin na naging lecture na ito ng inyong guro in the past o nabasa ninyo ang isang artikulo tungkol dito sa internet.

Akala ko noong una ay wala na akong magagawa para mabawasan ang aking pag-contribute dahil sa paggamit ng data (SOCMED platforms/live streaming) o sa pag-run ng DIY website na ito, ngunit meron pa pala, at iyon ay ang aking pagbibisikleta. Gumawa rin ako ng ‘wannabe maths’ (sa tulong ng AI tools, sorry naman) tungkol dito at nagulat ako na nakakatulong pa rin pala ako kahit papaano.

Total Footprint (kung gumagamit ka ng mga platform na ito nang 2 oras kada araw sa buong taon): 215.92 kg ng Co2 bawat taon sa apat na platform na ito ang iyong nakukunsumo. Upang ganap na malabanan ang taunang bakas na ito, base sa Co2 emission application na aking ginamit, eh, kailangan daw nating palitan ang pagmamaneho ng pagbibisikleta mula 19.6 km hanggang 25.3 km bawat linggo para sa isang buong taon para man lang mabawi o maging patas ang mga numerong ito (hindi ito 100% sure).

Ang report na nakita ninyo ay comparison lamang (at guide) ng ibang social media/streaming platform na ating ginagamit araw-araw. Nagbigay ako ng 2 oras na gamit kada araw sa bawat platform (which is kulang o sobra naman sa iba). Ang apat na platform na ito ay kabilang din sa top 4 na madalas na ginagamit sa bansa. Nakadepende rin ang mga numerong ito sa mga device na ginamit, lugar, laki ng site, video quality, etc. (mas malaki, mas malakas ang konsumo) at AI can make mistakes.

Maraming paraan upang makatulong tayong bawasan ang carbon footprint sa mundo, gaya ng pagpunta natin sa outdoors (weekender) kaysa sa pagiging nasa bahay lamang at nakatutok sa ating mga cellphone. Maaari ring makabawas ang paglipat sa renewable energy (hindi lahat kaya ito), RRR, pagbabawas ng food waste, o puwede ring magtanim tayo ng mga puno, atbp. At sa simpleng bagay o gawain gaya ng pagbibisikleta, expect na natin na malaki ang magiging tulong nito sa mga isyu ngayon na ating kinakaharap tungkol sa climate change.

Kung interesado kayo at kung may time kayong magbasa, makikita ang iba pang BAKAS topics sa mga link na ito: https://padyaktahak.com/bakas/ at https://padyaktahak.com/bakas-2/ . Makikita rin ang iba pang report sa Padyak Tahak IG account.